Hong Kong – Siniguro ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipino ang nadamay sa nangyaring shooting incident sa Hong Kong.
Nangyari ang insidente kahapon malapit sa Quarry Bay Park malapit sa City Plaza Shopping Center, kung saan isa ang naitalang nasawi habang tatlo naman ang sugatan.
Ayon sa Philippine Consulate General (PCG) sa Hong Kong matapos ang kanilang beripikasyon mula sa Filipino community sa nasabing bansa, walang Pinoy ang nadamay sa insidente.
Sinabi ng mga otoridad doon na bihira ang insidente ng gun violence sa Hong Kong dahil alinsunod sa umiiral nilang batas wala sinuman ang pinapayagang magkaroon ng armas o ammunition liban lamang kung may permit o dealer’s license.
Sa nasabing insidente, pinagbabaril ng babaeng suspek ang tatlong magkakapatid dahil sa away pamilya.
Lumabas din sa paunang imbestigasyon ng pamangkin ng mga biktima ang nasabing suspek.
Sa pinakahuling datos ng DFA tinatayang nasa 130,000 ang mga Pinoy sa Hong Kong.