Manila, Philippines – Walang Pilipinong nadamay o kabilang sa casualties kasunod ng military strikes laban sa Syria.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Communication Chief Elmer Cato, nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa Damascus sa mga miyembro ng Filipino community para alamin ang kanilang sitwasyon.
Dagdag pa ni Cato, wala pang natatanggap ang embahada ng paghingi ng tulong mula sa tinatayang 500 Pilipino sa Damascus at 500 pa mula sa iba pang bahagi ng Syria.
Pinaaalahanan ng DFA ang mga Filipino na naroroon na manatili sa loob ng kanilang mga bahay.
Nanatili ring nasa maayos na kalagayan ang mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa pangunguna ni Charge D’ Affaires Cresente Relacion.
Dahil mataas pa rin ang crisis level sa lugar, umiiral pa rin para sa mga bagong Filipino workers ang labor deployment ban.