Ligtas na disposal o pagtatapon ng mga vials at hiringgilya na ginamit sa COVID-19 vaccine, tiniyak ng DOH sa Senado

Tiniyak ng Department of Health (DOH) sa Senado na ligtas ang paraan ng disposal o pagtatapon ng mga bagay na ginamit sa pagbabakuna kontra COVID-19.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni DOH Officer-In-Charge at Usec. Maria Rosario Vergeire na ligtas ang disposal ng mga vials at hiringgilya na ginamit sa COVID-19 vaccines at napakaliit din aniya ng tsansa na magdudulot ito ng sakit.

Paliwanag ni Vergeire, ang mga bakuna laban sa COVID-19 na pumasok sa bansa ay non-live o ang mga components ay modified kabilang ang MRNA kaya naman napakaliit ng posibilidad ng transmission o pagkahawa ng sakit mula sa mga pinaggamitan na syringes.


Ikinukunsidera naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paraan ng disposal ng India at Vietnam sa kanilang infectious wastes.

Sinabi naman ni DENR-Hazardous Waste Management Section Head Gerry Sañez na ang mga pinaggamitan ng bakuna at ang mga nag-expire ay sinusunog nila sa init na 1,200 centigrade gamit ang incenerator ng integrated waste management incorporated sa Trese Martirez, sa Cavite.

Dagdag naman ni Vergeire, kapag naabo na ang vaccine wastes ay isinisilid ito sa selyadong drum saka dinadala sa accredited na landfill sa Tarlac.

Hindi naman kumbinsido si Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino sa paraan ng disposal ng mga bakuna kaya hiniling niya na magkaroon ng assessment dahil wala pang pag-aaral ang mga ahensya sa posibleng long-term effect sa publiko kapag nabulok ang pinaglagyan ng abo at tumagas ito sa lupa at ilog.

Facebook Comments