Ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Pasko ang hiling ngayon ng pamahalaan sa sambayanang Pilipino.
Sa Christmas message ni Presidential Spokesperson Harry Roque para sa taong bayan ngayong bisperas ng Pasko, binigyan diin nito na ang kabila ng mga pagsubok na dumating sa ating bansa, tulad ng COVID-19 pandemic at mga bagyo, marami pa rin dapat tayong ipagpasalamat ngayong kapaskuhan.
Samantala, hinikayat naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang publiko na iprayoridad ang ligtas na Pasko sa pamamagitan ng pagtugon sa health standards.
Apela ni Lorenzana, makiisa sana ang taong bayan sa mga panuntunang pangkalusugan para sa kaligtasan ng buong pamayanan.
Ang paalala ng mga opisyal ay nag-ugat sa pahayag ng University of the Philippines (UP) OCTA Research na nag-uumpisa na ang COVID-19 surge sa Metro Manila ngayong holiday season.
Sa interview ng RMN Manila, nagbabala si Department Of Health Sec. Francisco Duque III na kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay maaaring magpatupad sila ng mas mahigpit na quarantine status sa Metro Manila.
Batay sa datos ng OCTA Research, ang reproduction rate sa Metro Manila ay umakyat na sa 1.15 mula December 14 hanggang 20.