LIGTAS NA PAGSALUBONG SA BAGONG TAON, PINAIGTING NG KAPULISAN NG ALAMINOS CITY

Naglabas ng abiso ang kapulisan ng Alaminos City bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Bagong Taon ngayong gabi.

Ayon sa pahayag, ang paalala ay bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang mga aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng tradisyunal na pagsalubong sa bagong taon.

Binigyang-diin ng pulisya ang kahalagahan ng pag-iingat sa paggamit ng paputok, lalo na ang pag-iwas sa mga ilegal na paputok tulad ng “5-Star,” “Pla-pla,” “Super Lolo,” at “Boga” o PVC cannons.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga ipinagbabawal na paputok ay madalas na nagiging sanhi ng malubhang pinsala at aksidente.

Kabilang din sa mga paalala ang wastong paraan ng pagpapaputok kung saan inirerekomenda na huwag lapitan agad ang paputok na hindi sumabog at hintaying lumipas ang hindi bababa sa 20 minuto bago ito basain ng tubig.

Bukod dito, pinapayuhan din ang publiko na panatilihin ang ligtas na distansya na hindi bababa sa 30 talampakan mula sa mga paputok na inilalapag sa lupa at huwag kailanman sindihan ang paputok habang hawak ito.

Samantala, bilang ligtas naman na alternatibo, ipinaalala ng kapulisan na sinusuportahan ng Department of Health ang paggamit ng torotot, kampana, at malakas na tugtog sa halip na paputok. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments