Bataan – Makalipas ang ilang buwan mula nang madiskubre na kontaminado ng red tide toxin ang coastal waters ng lalawigan ng Bataan, ideneklara na ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas na sa paralytic shellfish poison ang malawak na karagatan ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Orani, Abucay, at Samal na pawang nasa lalawigan ng Bataan.
Batay sa pinakahuling laboratory examinations ng mga eksperto mula sa BFAR at Local Government Units (LGU) sa mga samples ng shellfish o lamang dagat doon, nakitaan na ito ng negatibong resulta ng mapaminsalang lason sa karagatan.
Kaugnay nito sinabi ni BFAR Director Eduardo Gongona, maaari nang hanguin at ibenta ang anumang uri ng shellfish at alamang na nakukuha sa nasabing coastal areas.
Pero may ilang coastal waters pa rin sa bansa na hanggang ngayon ay positibo pa rin ang red tide toxin.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang paghango, pagbenta at pagkain ng anumang uri ng shellfish sa coastal waters ng Irong-Irong Bay sa Western Samar, Coastal Waters ng Leyte, at Carigara Bay sa Leyte, Lianga Bay sa Surigao del Sur, Honda bay, Puerto Princesa City sa Palawan, at coastal waters ng Milagros sa Masbate.
Pero paliwanag ng BFAR bukod sa shellfish, at alamang na ipinagbabawal na kainin, pwede namang kainin ang mga isda, pusit, hipon, at alimango bastat linisan lamang ito ng maigi at tanggalan ng lamang loob bago iluto.