
Nananawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa mabilis na implementasyon ng Ligtas Pinoy Centers Act.
Ang nasabing batas ang nagmamandato na ang bawat lungsod at munisipalidad ay magkaroon ng evacuation center.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni OCD Director Chris Bendijo na kasama sa IRR ng batas na tiyaking kakayanin ng itatayong istruktura ang hanggang magnitude 8 na lindol.
Ayon kay Bendijo, ang pagkakaroon ng matibay na evacuation centers ay malaking bagay sa pagliligtas ng maraming buhay sa panahon ng sakuna.
Layon ng pagsasabatas ng Pinoy Centers Act na matugunan ang matagal nang isyu sa paggamit ng mga paaralan bilang evacuation centers tuwing may kalamidad.
Una nang binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng permanenteng emergency sheltering sa harap ng mga hamon ng climate change.