Kasunod ng inaasahang dagsa ng publiko sa iba’t ibang tourist destinations at mga simbahan ngayong summer holiday season, muling binuhay ng Philippine National Police ang “Ligtas Sumvac (Summer Vacation) 2023 campaign.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., naglabas na sya ng operational guidelines para sa lahat ng police units at stations sa bansa na layuning maging ligtas at payapa ang biyahe ng ating mga kababayan.
Kaugnay nito, paiigtingin ng Pambansang Pulisya ang checkpoints operations at ang pagsasagawa ng regular na inspeksyon at mobile patrols sa mga matataong lugar tulad ng mga terminal, pantalan, paliparan at iba pang transport hubs.
Sinabi pa ni Azurin na magkakaroon din ng mga Assistance Hubs (AHs) and Police Assistance Desks (PADs) kung saan mayruon itong kabuuang 38, 387 police officers na nakadeploy at 39,504 mga pulis naman ang nakatoka sa pagsasagawa ng mobile at foot/beat patrol.
Binigyang direktiba din ni Azurin ang mga pulis na makipag ugnayan sa nasasakupan nilang LGUS, iba pang-law enforcement agencies, private security providers at mga force multipliers upang maiwasang makapagtala ng untoward incidents.