‘Ligtas Tigdas Campaign,’ ilulunsad ng DOH ngayong Enero 19

Nakatakdang ilunsad ng Department of Health ang Ligtas Tigdas Campaign sa Enero 19.

Target ng Ligtas Tigdas Campaign na mabakunahan ang humigit-kumulang 11 milyong bata sa buong bansa, kabilang ang 2.8 milyon sa Mindanao, 5.6 milyon sa Luzon at 1.9 milyon sa Visayas.

Kasunod na rin ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng tigdas at tigdas-hangin sa bansa na nagsimula sa mga rehiyon sa Mindanao.

Kabilang sa may pinakamataas na incidence rate ang Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Dahil dito, magsasagawa na ang DOH, katuwang ang mga lokal na pamahalaan ng malawakang bakunahan kontra tigdas at tigdas-hangin sa Mindanao at BARMM.

Sa pinakahuling datos mula sa DOH, noong Disyembre 27, 2025 ay pumalo na sa 5,123 ang kabuuang kaso ng tigdas at rubella sa buong bansa.

Ayon sa DOH, mas mataas ito ng 32 porsiyento kumpara sa 3,880 kaso sa kaparehong panahon noong 2024.

Nasa 2,567 sa mga kaso ay mga batang may edad anim na buwan hanggang wala pang limang taong gulang.

Muli namang hinikayat ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health center para sa libreng bakuna.

Facebook Comments