Naglabas na ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng East Avenue Medical Center o EAMC kaugnay ng nag-viral na video kung saan ipinapakita ang nagkalat na mga cadaver bags sa ilang kwarto sa nasabing ospital.
Sa isang pahinang liham ng ospital na pinadala sa Department of Health (DOH) at pirmado ni Medical Center Chief Dr. Alfonso Nuñez III, itinanggi nito na ang video ay kuha sa pasilidad ng East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Aniya, sa ibang pasilidad kuha ang video dahil walang ganoong flooring at furnishing ang kanilang ospital.
Hindi rin, aniya, kaya ng East Avenue na mag-accommodate ng maraming bangkay ng sabay-sabay dahil limang bangkay lamang ang kaya ng kanilang morgue.
Binigyang diin pa ng EAMC na ang mga bangkay sa kanilang pasilidad ay inilalagay sa isang body bag at nasa stretcher bilang respeto sa isang yumao at hindi inilalapag sa sahig lamang.
Samantala, sinabi rin ng EAMC na kabilang sila sa mga recipient ng 40-footer refrigerated na container van na gagamitin bilang storage facility ng mga namamatay kung kinakailangan.
Tiniyak din ng East Avenue Medical Center na nagsusumite sila ng datos sa DOH kapag may namamatay na COVID-19 patient.