Manila, Philippines – Nagpasalamat si Agriculture Secretary Manny Piñol kay President Rodrigo Duterte dahil sa tiwala sa kanya na patuloy na pamunuan ang kagawaran ng agrikultura.
Kasabay nito, muling binigyan linaw ni Agriculture Secretary Manny Piñol na wala siyang ipinapanukalang gawing legal ang smuggling ng bigas saan mang panig ng bansa.
Sa kanyang facebook post ipinahayag ng kalihim ang kanyang pagkadismaya sa reporter ng government station na aniya ay mali ang interpretasyon sa kanyang proposal na magtatag ng Rice Trading Center sa lalawigan ng Tawi-Tawi.
Matatandaang sa departure speech ni Pangulong Duterte patungong Israel nitong weekend ay iginiit nitong hindi maaring gawing legal ang smuggling.
Aniya, ito ay dahil sa maling tanong sa kanya ng mamamahayag mula sa government station.
Paliwanag ni Secretary Piñol, ang gusto niyang ipunto ay ipahawak sa panlalawigang gobyerno ng Tawi-Tawi ang pagkontrol sa pagpasok ng bigas sa Zambasulta na kinabibilangan ng Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Binigyan diin ng kalihim na kapag ang suplay ng bigas na ipinapasok sa backdoor ay pinatawan ng kaukulang taripa at buwis ay tiyak na magpapasok ng isa hanggang dalawang bilyong pisong kita kada taon sa kaban ng gobyerno.
Sabi ni Piñol, isang memorandum ang isusumite niya kay Pangulong Duterte para linawin ang usaping ito pagbalik ng Pangulo mula sa kanyang official trip sa ibang bansa.