LILIPAT | Planong paglipat sa NPC, ipagpapaalam ni Sen. Ejercito sa kanyang ama

Manila, Philippines – Sa susunod na linggo ay plano ni Senator JV Ejercito na kausapin ang kanyang ama na si dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Erap Estrada.

Ayon kay Ejercito, ito ay para pormal niyang ipagpaalam ang planong pag-alis sa Partido ng Masang Pilipino o PMP na itinatag ng kanyang ama para lumipat sa Nationalist Peoples Coalition o NPC.

Katwiran ni Ejercito, hindi magandang tingnan na magkasama sila sa iisang partido ng kapatid na si Senator Jinggoy Estrada sa pagkandidato sa 2019 elections kaya aalis na lang sya.


Nakakasiguro si Ejercito, na magiging komportable sya sa NPC kung saan halos lahat ay kaibigan niya at miyembro din nito si Senate President Tito Sotto III na nagbabalak maging campaign manager nila para sa 2019 elections.

Malaking bagay din para kay Ejercito ang magiging suporta sa kanyang kandidatura ng Partidong Hugpong ng Pagbabago na itinayo naman ni Mayor Sarah Duterte.

Binanggit din ni Ejercito na nagpasya siya na huwag ng ituloy ang naunang planong paglipat sa PDP-Laban, dahil bukod sa magulo na ito ay ikinadismaya din niya na tinanggap nitong miyembro ang mga Zamora na kalaban nila sa pulitika sa lungsod ng San Juan.

Facebook Comments