Lima, patay sa magkakahiwalay na insidente ng karahasan sa botohan kahapon

Aabot sa limang indibidwal ang nasawi sa ilang insidente ng karahasan na nangyari sa gitna ng botohan sa iba’t-ibang lugar sa bansa kahapon.

Sa Binidayan, Lanao Del Sur, dalawa ang naitalang namatay sa Magonaya Elementary School matapos mauwi sa gulo ang botohan.

Ayon sa mga otoridad, nagkagulo matapos pasukin ng limang lalaki ang presinto tsaka pinagpupukpok at tinapon ang limang Vote Counting Machine o VCM.


Isa ring miyembro ng electoral board ang nasaksak sa naturang gulo.

Pagdating ng mga otoridad ay nagwarning shot ang mga pulis pero maya-maya ay may narinig na putok ng baril sa malapit na lugar.

Samantala, tatlong miyembro naman ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ang nasawi habang isa ang sugatan sa pamamaril ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Poblacion sa Buluan, Maguindanao.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, nagpapatrolya ang mga tauhan ng barangay nang bigla na lang magpaputok ng baril ang mga suspek.

Habang, anim naman ang nasugatan matapos hagisan ng granada ang Datu Piang National High School sa Datu Piang, Maguindanao.

Nabatid ang Buluan at Datu Piang ay dalawa sa anim na bayan sa Maguindanao na kabilang sa COMELEC control.

Facebook Comments