Lima sa mga sundalong nasugatan sa pagsabog sa Jolo, Sulu, nauna nang nabigyan ng parangal sa Zamboanga City

Binigyan na ng parangal ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines – Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) ang lima sa 21 sundalong nasugatan sa magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu kamakalawa.

Sa ulat ng AFP-WesMinCom, ang mga binigyan ng medalya ay sina Sergeant Norman Santiago, Corporal Jesus Genora, Corporal Jeric Gil Villaruz, Private First Class Jay Carbon at Private Rocelo Abacial Jr.

Sila ay kabilang sa 21 sundalo na inilipat sa Camp Navarro General Hospital sa Calarian, Zamboanga City at doon sinabitan ng medalya ni AFP-WesMinCom Commander Major Gen. Corleto Vinluan Jr.


Kabilang pa sa 21 sundalo na nasugatan sa pagsabog ay sina Private First Class Vincent Malupa, Private First Class Dave Egipto, Private First-Class Noel Baccoy, Private First Class Jeffry Domingo, Private Baser Katopon at Private Jeasrael Sappao.

Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si Lieutenant General Vinluan Jr. sa pamilya ng mga nasawing sundalo sa pagsabog.

Saludo si Vinluan Jr. sa ipinakitang kabayanihan ng mga nasawing sundalo kung saan ibinigay nila ang kanilang buhay sa pagsisilbi at pagprotekta sa taong bayan.

Sa nangyaring pagsabog, 16 ang namatay kabilang ang dalawang suicide bomber, pitong sundalo, anim na sibilyan at isang pulis.

Facebook Comments