Dinagdagan pa ang requirements ng mga dumarating na Pilipino sa bansa para matiyak na mapipigilan ang posibleng pagpasok ng sinumang nagtataglay ng COVID-19 mula sa United Kingdom.
Ayon sa Inter-Agency Task Force (IATF), inaayos na ng technical working group ang pagkakaroon ng limang araw na testing kung saan nangangailangan ito ng dagdag na testing kits at mga tauhang magsasagawa nito.
Paliwanag ni Department of Health Usec. Maria Rosario Vergeire, posibleng nasa incubation period pa lang ang virus sa unang araw ng isinagawang test, kaya na-detect lamang ito pagkalipas ang halos isang linggo.
Naniniwala naman si Vergeire na sa pamamagitan ng 14-day mandatory quarantine at fifth day COVID-19 testing ay mas mababantayan ang bansa laban sa pagpasok ng bagong variant na sinasabing mas mabilis makahawa.
Sa ngayon, umabot na sa 14 ang nagpositibo sa COVID-19 na close contact ng lalaking nagpositibo sa UK variant na lulan ng Emirates Dubai-Manila Flight EK332 na dumating sa Pilipinas nitong ika-7 ng Enero.