Kinumpirma ni Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Leo Francisco na limang barangay sa lungsod ng Maynila ang mahigpit na minomonitor ngayong dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Francisco, ang mga barangay na ito ay barangay 351, 675, 699, 701 at 725.
Nabatid na sa Barangay 351 ay may binabantayan na 12 kaso; 10 sa Barangay 675; 12 sa Barangay 699; 14 sa Barangay 701 at 15 sa Barangay 725.
Sinabi pa ni Francisco na mayroon na silang koordinasyon sa Manila Health Department at lokal na pamahalaan ng Maynila kung saan anumang oras ay maaari nang inanunsiyo kung isasailalim sa lockdown ang mga nasabing barangay.
Dagdag pa ni Francisco, planong gawin ng limang araw ang paglalagay sa lockdown sa mga nabanggit na barangay.
Sa kabila nito, tiniyak ni Francisco na mayroong sapat na suplay ng pagkain ang mga naninirahan sa mga nasabing barangay na maaaring isailalim sa lockdown anumang oras.
Bukod dito, sinisiguro ng opisyal na kanilang babantayan ang seguridad at kapayapaan sa mga nabanggit na barangay lalo na kapag naipatupad ang lockdown.