Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Hydrometeorology Division na limang dam sa Luzon ang nagpakawala ng tubig ngayong araw bunsod na rin ng hagupit ng Bagyong Kristine.
Ayon sa PAGASA Hydrometeorology Division, kabilang sa pagpapakawala ng tubig ay ang Ipo Dam, Ambuklao Dam, Binga Dam, San Roque Dam, at Magat Dam.
Paliwanag ng PAGASA-DOST, isang gate mula sa Ipo Dam, Ambuklao Dam, San Roque Dam at Magat Dam ang nagpakawala ng tubig habang dalawang gate naman sa Binga Dam.
Matatandaan na nagpakawala na rin kahapon ng tubig ang Ipo Dam kung saan kabilang sa naapektuhan sa pagpakawala ng Ipo Dam kahapon ay ang Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong, at Hagonoy.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga kalapit na lugar na maging mapagmatyag at bantayan ang mga abiso ng PAGASA dahil maaaring maapektuhan sila ng pagpapakawala ng tubig.