Limang DFA-TOPS sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, inilunsad ng DFA

Inilunsad ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Temporary Off-Site Passport Services (DFA-TOPS) sa limang lugar sa Metro Manila na makapagbibigay ng karagdagang 2,500 passport appointment slots kada araw.

Sabay na binuksan nina Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin ang SM Mall of Asia TOPS kasama sina Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Brigido J. Dulay at SM Supermalls President Steven Tan.

Inilunsad din nang sabay ng mga opisyal ng DFA Office of Consular Affairs ang iba pang mga tanggapan ng TOPS sa SM City North Edsa, Robinsons Place Magnolia, SM Aura, Robinsons Place sa Las Piñas.


Bilang karagdagang off-site courtesy lane ay inilunsad din sa Ayala Malls Glorietta upang payagan ang madaling pag-access sa mga kwalipikadong aplikante na may emergency na pangangailangan sa paglalakbay.

Paliwanag ni Locsin, ang limang bagong bukas na mga tanggapan ng TOPS ay makapagbibigay ng 177,500 passport appointment slots mula Hulyo 7 hanggang sa katapusan ng Setyembre.

Giit pa ng kalihim na marami pa silang bubuksan sa labas ng Metro Manila sa mga darating na linggo upang magbigay ng serbisyo sa tumataas na demand para passport services.

Ang mga aplikante naman na nagnanais na i-renew ang kanilang pasaporte sa TOPS ay maaaring mag-book ng kanilang mga appointment sa official passport online appointment system sa passport.gov.ph.

Facebook Comments