Thursday, January 15, 2026

LIMANG INDIBIDWAL, ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON KONTRA KRIMINALIDAD SA PANGASINAN

Limang indibidwal na may kinakaharap na magkakaibang kaso ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pangasinan kahapon, Enero 14, 2026.

Bandang alas-siyete ng umaga, inaresto ng Anda Municipal Police Station ang isang 26-anyos na lalaki sa Anda, Pangasinan sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong theft, na may inirekomendang piyansang ₱6,000.00.

Dakong ala-una ng hapon, isang 56-anyos na babae naman ang inaresto ng San Nicolas Municipal Police Station sa San Nicolas, Pangasinan dahil sa kasong cyber libel, batay sa warrant of arrest na may inirekomendang piyansang ₱10,000.00.

Sa Dagupan City, bandang alas-nuebe ng umaga, nadakip ng Police Station 1, katuwang ang iba pang yunit ng Dagupan City Police Office, ang isang 26-anyos na lalaki na nahaharap sa kasong rape. Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso.

Samantala, bandang alas-onse ng umaga, inaresto ng San Carlos City Police Station ang isang 52-anyos na lalaki sa Barangay Bugallon-Posadas Street, San Carlos City dahil sa paglabag sa Section 38 (D) ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act, na may inirekomendang piyansang ₱36,000.00.

Bandang alas-singko ng hapon, nadakip din ng Bayambang Municipal Police Station, katuwang ang 105th Maneuver Company ng RMFB1, ang isang 18-anyos na lalaki sa Mangatarem, Pangasinan sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Article 308 kaugnay ng Article 309 ng Revised Penal Code, na may inirekomendang piyansang ₱10,000.00.

Ang lahat ng naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kani-kanilang kaso.

Facebook Comments