Limang indibidwal, idinawit ng NBI sa reklamong inihain laban kay Teves

Lima pang indibidwal ang idinawit sa inihaing kasong kriminal laban kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr.

Ito’y may kaugnayan sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at siyam na iba.

Kabilang sa mga kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ay sina Angelo Palagtiw, Neil Andrew Go, Capt. Lloyd Cruz Garcia, Nigel Electona, at isang alyas “Gee-Ann, Jie-An,” na kapatid na babae ni Palagtiw.


Ang mga ito kabilang si Teves ay kinasuhan ng 10 counts ng murder, 14 counts ng frustrated murder, at 4 counts ng attempted murder.

Bukod sa kanila, may pitong suspek sa pagpatay ang nauna nang kinasuhan sa Manila Regional Trial Court (RTC) matapos na pumayag ang Supreme Court (SC) na ilipat ang kaso mula Negros Oriental hanggang Maynila.

Kinilala ang mga nakasuhan na sina Marvin Miranda, Rogelio Antipolo Jr., Romel Pattaguan, Winrich Isturis, John Louie Gonyon, Dahniel Lora, at Eulogio Gonyon Jr.

Kaugnay nito, inaasahan na bubuo ang DOJ ng panel para magsagawa evaluation at pag-aaral sa inihain ng NBI kontra kay Teves at limang iba pa kung saan maglalabas sila ng resolusyon kung idi-dismiss ang reklamo o ihahain ito sa korte.

Facebook Comments