Limang kalsada sa hilagang Luzon, hindi pa rin madaanan dahil sa Bagyong Nika at Ofel

Bumaba pa ang bilang ng mga kalsadang nananatiling sarado dahil sa pananalasa ng nagdaang Bagyong Nika at banta ng Bagyong Ofel.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), limang national roads ang hindi pa madaanan ngayon sa Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.

Partikular dito ang Banaue-Hungduan-Benguet Boundary Road sa Tukucan, Tinoc, Ifugao na sarado dahil sa landslide.


Hindi rin madaanan ang Lubuagan – Batong – Buhay Road sa Kalinga dahil sa mga kumalat na debris.

Lumubog naman ang lupa sa kalsadang bahagi ng Talubin-Barlig-Natonin-Paracelis-Calaccad Road, sa Natonin, Mountain Province habang lubog pa rin sa baha ang ilang parte ng Sampaguita – Warat – Suerte-Catarauan – Afusing Road sa Malalatan, Alcala, Cagayan.

Samantala, sira pa rin ang kalye paakyat ng tulay sa Cagayan-Apayao Road, Itawes Overflow Bridge sa Sta Barbara, Piat, Cagayan.

Sa ngayon, aabot na sa mahigit 442 million pesos ang halaga ng pinsala sa imprastraktura na naidulot ng Bagyong Nika at Ofel.

Facebook Comments