LIMANG KATAO, ARESTADO MATAPOS MAHULIHAN NG SHABU AT MARIJUANA SA VILLASIS

Limang katao na tinukoy bilang pawang Street-Level Individuals (SLIs) ang inaresto sa ikinasang buy-bust operation ng awtoridad sa Villasis, Pangasinan.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang operasyon matapos idulog ng isang residente ang umano’y nagaganap na transaksyon ng ilegal na droga sa lugar.

Nasamsam sa operasyon ang 12.4 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P84,320 at 4 na sachet na may bigat na 6.3 gramo ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 756 pesos.

Narekober din ang iba’t ibang non-drug evidence kabilang ang mga cellphone, weighing scale, plastic sachets, marijuana grinder, cash na 146,600 pesos, at isang motorsiklo na walang plaka.

Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at mahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang posibleng lawak ng ilegal na aktibidad ng mga suspek.

Facebook Comments