Tinukoy ng pamahalaan ang limang Local Government Unit (LGU) sa Metro Manila na padadalhan ng paparating na 15,000 dose ng Sputnik V mula Russia.
Ayon kay Testing Czar Vince Dizon, unang makatatanggap ng naturang bakuna ang mga taga-Manila, Taguig, Makati, Parañaque at Muntinlupa.
Aniya, napili ang limang lungsod matapos isailalim sa pagsasanay ang mga handler nito.
Maliban dito, nagpakita rin aniya ang limang LGU ng kahandaan sa pagtanggap ng mga bakuna galing Russia na kailangang nakalagay sa storage facility na may temperaturang negative 20.
Giit ni Dizon, kailangang magsagawa muna ng pilot rollout para malaman kung kakayanin ng iba’t ibang LGU ang kailangang temperatura para sa Sputnik V.
Inaasahang darating ang mga bakuna mula sa Russia sa Miyerkules at kaagad itong ilalagay sa cold-chain storage facility sa Marikina bago ibahagi sa limang LGU.