Ibabalik sa low risk classification ang limang lugar sa Metro Manila na una nang itinaas sa moderate risk classification dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa Laging Handa Public press briefing, sinabi ni Department of Health o DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na ito ay bunsod ng bagong pamantayan o matrix na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force o IATF para sa pagtatakda ng alert level classification.
Ayon kay Vergeire, dahil sa bagong matrix ay maibababa muli sa low risk classification ang Pasig City, San Juan City, Quezon City, Marikina City at Pateros kahit nakapagtala ang mga naturang lugar ng 200% growth rate noong Sabado.
Paliwanag ni Vergeire, sa bago kasing pamantayan ay hindi na kasali ang 2-week growth rate.
Prayoridad aniya ang sitwasyon sa mga ospital at ang severe at critical cases ng COVID-19.
Dagdag pa ni Vergeire, sa ngayon ay hindi pa lumalagpas ang Average Daily Attack Rate o ADAR ng nasabing limang lugar, habang ang health care utilization ay mas mababa pa sa 50%.
Sinabi pa ni Veregire ang alert level classification ay nag-a-apply sa regional level at hindi kada siyudad o munisipalidad.
Meron pa aniyang ibang lugar na patuloy nilang pinag-aaralan dahil sa mataas na utilization rate, pero ito ay dahil tatlo lamang ang ICU beds.
Kaya kailangan din aniya itong isalin sa pag-aaral para sa itatakdang alert level.