Limang magsasaka sa Pangasinan, nagpakamatay dahil sa malaking lugi sa sibuyas

Limang magsasaka ang nagpakamatay sa isang bayan sa Pangasinan matapos na malugi sa kanilang pananim ng sibuyas.

Sa pagdinig ng Senado, patungkol sa sobrang taas ng presyo ng sibuyas, iniharap ni Elvin Laceda, Presidente ng Young Farmers Challenge Club of the Philippines, si Nanay Merly Gallardo at inilahad nito na nagpakamatay ang kanyang asawa dahil sa malaking lugi sa kanilang sakahan.

Ayon kay Nanay Merly, kahit binibili sa kanila ng grupo ni Laceda sa mas mataas na farm gate price ang sibuyas sa halagang P220 hanggang P350 kada kilo ay nalugi pa rin sila dahil sa mga pag-ulan na nararanasan noong nakaraang taon na ikinasira ng kanilang pananim.


Sinabi ni Laceda na isa si Nanay Merly sa mga magsasaka na kanilang tinutulungan sa Bayambang, Pangasinan at isa ang asawa nito sa nag-suicide dahil sa milyon-milyong utang matapos na sirain ng harabas o army worm ang kanilang pananim.

Aniya, ngayon lang sana makababawi ang mga magsasaka pero dahil may importasyon ng sibuyas ay wala pang 100 araw para ma-i-harvest ay kailangan ng anihin ang mga sibuyas sa loob ng 85 hanggang 90 araw.

Ang grupo ni Laceda ang bumibili ng aning sibuyas sa ilang mga magsasaka sa Pangasinan at naibebenta nila sa Metro Manila sa P350 kada kilo noong kasagsagan na ang presyo ng sibuyas ay pumapalo ng P700 kada kilo.

Umapela si Laceda sa Food Terminal Inc. (FTI) na huwag namang baratin ang mga magsasaka sa pagbili ng kanilang aning sibuyas na hindi rin naman aaray ang mga consumer sa presyo bago pa mahuli ang lahat.

Facebook Comments