Limang miyembro ng CPP-NPA, patay sa pakikipag-engkwentro sa militar sa Sta. Teresita, Cagayan

Nasawi ang limang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) terrorist matapos na makipag-engkwentro sa tropa ng 501st brigade ng 5th Infantry Division ng Philippine Army sa Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan kahapon.

Ayon kay Major Jeklyll Dulawan, Chief Public Information Officer ng 5th ID, rumesponde sila sa pinangyarihan ng engkwentro matapos na makumpirma ang impormasyon na nagkukuta ang mga rebelde sa lugar.

Dahil dito, nakasagupa ng militar ang nasa 40 terorista na kasapi ng Komiteng Probinsiya Cagayan at Komiteng Rehiyon- Cagayan Valley.


Umabot ng dalawang oras ang bakbakan bago tuluyang tumakas ang mga kalaban at iniwan ang katawan ng kanilang mga kasamahan na nasawi.

Bukod sa limang nasawi, narekober sa lugar ang 3 high powered firearms, 5 anti-personnel mines at mga subersibong dokumento.

Nagpapatuloy ang pursuit operations ng militar sa lugar para habulin ang mga nakatakas na rebelde.

Facebook Comments