Manila, Philippines – Sinibak sa pwesto ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang limang opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos.
Ito ay matapos silang mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service kaugnay sa P3.8 milyong halaga ng PDAF scam.
Kabilang sa mga pinatawan ng dismissal at hindi na pinayagang muling makapagtrabaho sa gobyerno ay sina NCMF Commissioner Mehol Sadain, Director III Galay Makalinggan, Acting Chief Accountant Fedelina Aldanese, Acting Chief Aurora Aragon-Mabang at Cashier Olga Galido.
Nakasaad sa desisyon na sinuman sa mga nabanggit na opisyal na wala na sa puwesto ngayon ay pagmumultahin ng halagang katumbas ng kanilang isang taong sahod.
Iniutos din ng Ombudsman na kasuhan ang lima sa Sandiganbyan dahil sa paglabag sa section 3(e) ng RA no. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) dahil sa maanomalyang paggamit ng PDAF ni dating Maguindanao Representative Simeon Datumanong.
Batay sa record, noong May 2012, inaprubahan ng Department of Budget and Management ang pag-release ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P3,800,000 na bahagi ng PDAF ni Datumanong at ang NCMF ang implementing agency.
Ang naturang pondo ay para sa livelihood programs gaya ng soap making, candle making at meat processing para sa mga bayan ng Mamasapano, Ampatuan at Datu Abdullah Sanki kung saan tumayong NGO partner ang Maharlikang Lipi Foundation Inc (MLFI).
Pero natuklasan ng Commission on Audit na hindi pala dumaan sa bidding ang proyekto para sa pagpili ng NGO.