Hinuli at pinagmumulta ng Land Transportation Office (LTO) ang limang pampubliko at pribadong sasakyan na nahuli dahil sa overloading ng mga estudyante at iba pang paglabag.
Ginawa ng LTO Field Enforcement Division (FED) ang operasyon malapit sa Batasan National High School at ng President Corazon Aquino Elementary School kasabay ng unang araw ng pasukan ng klase.
Ayon kay Farish Lim, officer-in-charge ng LTO-FED, ginawa nila ito upang ipaalala sa mga motorista ang kahalagahan ng kaligtasan sa lansangan o road safety.
Kabilang sa sinita ang isang pampasaherong bus na may biyaheng Montalban – Quezon, matapos kakitaan ng depektibong wiper, signal light, at nakatagong plate number nito.
Overloading o sobra-sobra sa pasahero naman ang isa pang bus na sinita at natiketan ng LTO.
Bukod dito, tatlong drayber pa ng motorsiklo ang pinagmumulta matapos na mahuling walang suot na helmet at tricycle na overloaded ng estudyante.