Tinatayang aabot na sa limang pasyente na tinamaan ng COVID-19 ang nakakumpleto na ng Avigan clinical trial sa Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, as of December 7, 2020 ay mayroong labing-anim na pasyente para sa clinical trial ng Avigan na mula sa Japan.
Mula dito, siyam ang active participants habang limang pasyente na ang nakakumpleto ng Avigan trial.
Tiniyak naman ni Vergeire na patuloy ang pagre-recruit ng mga pasyente para sa Avigan clinical trial upang makamit ang target na bilang na higit isang-daang pasyente.
Samantala, hindi na itinuloy ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng cancer drug na Acalabrutinib bilang bahagi ng Solidarity Trial sa paghahanap ng gamot para sa COVID-19.
Paglilinaw ni Vergeire, wala namang pasyente sa Pilipinas na nabigyan ng nasabing gamot.
Bagama’t dumating kasi sa bansa ang suplay ng Acalabrutinib ay hindi nila ito ibinigay sa mga pasyente dahil nagsabi na ang WHO na hindi na ito isasama sa Solidarity Trial.