Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang limang pulis ng Manila Police District (MPD) na nangikil sa may-ari ng isang computer shop sa Sampaloc, Maynila noong July 2023.
Sa desisyon ng NCRPO, guilty sa mga kasong grave misconduct, serious irregularities in the performance of duty at conduct unbecoming of a police officer ang limang parak.
Kabilang sa mga dinismis sa PNP service ay sina:
1. Police Staff Sergeant Ryan Tagle Paculan
2. Police Staff Sergeant Jan Erwin Santiago Isaac
3. Police Corporal Jonmark Gonzales Dabucol
4. Patrolman Jeremiah Sema Pascual
5+. Patrolman John Lester Reyes Pagar.
Ayon sa NCRPO, hindi pinaniwalaan ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) ang dahilan ng limang pulis na lehitimo ang kanilang operasyon nang pasukin ang computer shop dahil nag o-operate bilang online casino.
Matapos pasukin at pagnakawan, hiningian pa ng lingguhang lagay ng mga suspek na pulis ang may-ari ng computer shop na si Herminigildo Dela Cruz.
Sa ngayon, dinidinig pa ng Manila Regional Trial Court Branch 42 ang kasong robbery extortion laban sa mga sinibak na kotong cops.