Surpresang ininspeksyon ng hanay ng Manaoag PNP kasama ang Sanitary Office, Municipal Treasury at Business Process Licensing Office ang limang Restobars sa bayan mula na rin sa utos ng alkalde.
Isa-isang ininspeksyon ang mga naturang resto bar at videoke bars upang siguruhin na nananatiling ‘wholesome’ o disente ang mga isinasagawa sa loob ng mga establisyimento lalo na ang mga malalapit sa sikat na binibisitang lugar ng Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag.
Dapat rin na sumusunod ang mga ito sa kalinisan at may kaukulang dokumento para makapagpatakbo ng naturang negosyo.
Muling binigyang-diin at ipinaalala ng hanay ng kapulisan sa mga may-ari at namamahala sa mga ininspeksyon ang pagbabawal na pag-alok ng mga guest relation officers (GROs) sa mga kostumer.
Bagamat may paghihigpit, pinapayagan pa rin ang mga ito na magbenta ng alak at uminom ng alak ang mga kostumer ngunit hindi maaari ang ano mang uri ng gulo at sobrang pag-iingay na makaapekto sa mga residente.
Tiniyak rin na walang makakapasok na may dalang armas para pagtibayin pa ang seguridad ng gma pumapasok na kostumer at maiwasan na rin ang mga insidente ng karahasan o kriminalidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









