Isinasapinal na ng limang senador ang ihahain nilang resolusyon na humihiling na mapalawig hanggang Disyembre 31, 2022 ang prangkisa ng ABS-CBN na mapapaso na ngayong Mayo 4.
Kinabibilangan ito nina senators Joel Villanueva, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian, Nancy Binay at Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Ayon kay Villanueva, ang kanilang hakbang ay para sa kapakanan ng 11,071 na empleyado ng ABS-CBN na maaapektuhan sakaling mahinto ang operasyon ng network.
Lalamanin ng ihahaing resolusyon ang hiling sa National Telecommunications Commission o NTC na bigyang ang ABS-CBN ng provisional authority para nakapag-operate habang nakabinbin pa sa Kongreso ang aplikasyon nito para sa franchise renewal.
Si Senate Minority Leader Franklin Drilon ay nauna nang naghain ng concurrent resolution na nagpapahintulot sa NTC na pagkalooban ang ABS-CBN ng provisional authority.