Limang senatorial line up ng PDP-Laban, inilabas ng partido

Inilabas ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang inisyal na listahan ng kanilang limang pambato sa Senado sa 2022 elections.

Kabilang sa line up ng partido sina Deputy Speaker Rep. Rodante Marcoleta, Department of Information & Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

Ayon sa PDP-Laban, magkakaroon sila ng national assembly sa Setyembre 8 kung saan isa ito sa kanilang tatalakayin.


Una nang inihayag ni former Ifugao Rep. at Liberal Party (LP) Vice President for Internal Affairs Teddy Baguilat na tatlo sa kanilang senatorial candidates ay re-electionists o tatakbo muli.

Ito ay sina Senator Francis Pangilinan na siya ring LP President, Senator Leila de Lima at Senator Risa Hontiveros habang nagpahayag din ng pagnanais na makasama sa LP senatorial slate sina dating Senador Bam Aquino at Chel Diokno.

Matatandaang tiniyak din ng 1Sambayan na nakahanda na ang pangalan ng 14 nilang pambato sa Senado.

Pero dahil sa pangambang atakehin ito ng internet trolls ni Pangulong Rodrigo Duterte, posibleng maantala ang kanilang pag-aanunsyo.

Facebook Comments