Limang suspek sa pagpatay sa beauty queen at boyfriend nitong Israeli national noong Hunyo, kinasuhan na ng murder

Sinampahan ng reklamong murder ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang limang indibidwal na sangkot sa pagpatay sa beauty queen na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend nito.

Ayon kay PNP-CIDG Legal Division Chief Police Colonel Thomas Valmonte, kabilang sa dawit sa reklamong 2 counts of murder ay mga dating pulis.

Batay sa imbestigasyon, pinagplanuhan ang pagpaslang sa dalawang biktima kabilang ang pagbaril at paglilibing sa mga ito.


May kinalaman aniya sa mga sinanglang lupa ng mga suspek sa mga biktima ang krimen.

Sabi ni Valmonte, gusto nang bawiin ng mga suspek ang mga papeles sa isinanglang lupa pero mukhang ayaw ibigay dahil kailangan muna nilang makuha ang perang naunang inilabas.

Sa ngayon, apat sa limang suspek na kinasuhan ang hawak ng mga awtoridad.

Isang testigo naman ang humarap sa pagdinig sa Department of Justice at dumalo rin ang kapatid ni Lopez na humihiling na makamit ang hustisya.

Noong June 21 nang huling makitang buhay ang mga biktima na papunta sa Capas, Tarlac bago mapaulat na nawawala.

Makalipas ang isang buwan nang makita nag kanilang mga bangkay na inilibing sa quarry site at nakita rin ang kanilang sasakyan na sinunog sa may damuhan.

Facebook Comments