Manila, Philippines – Nilinaw ng Korte Suprema ang mga panuntunan sa pagpapahintulot ng Supreme Court sa mga opisyal nito na magtestigo sa impeachment proceedings laban kay Chief Justice Maria Loudes Sereno.
Sa kanyang pagharap sa media, nilinaw ni Supreme Court spokesman Atty. Theodore Te na ang pagpapahintulot ng Kataas-Taasang Hukuman ay ang pagtetestigo lamang sa administrative matters.
Pagdating naman aniya sa adjudicative matters o sa mga isyu na may kinalaman sa desisyon ng Korte Suprema sa mga kasong tinatalakay nito ay si Justice Teresita De Castro lamang ang pinahihintulutan.
Gayunman, limitado lamang ito sa tatlong mga isyu.
Kabilang dito ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order sa Senior Citizens cases at sa komunikasyon sa pagitan nila ni Sereno.
Gayundin ang clustering case na may kinalaman sa Judicial and Bar Council.
Gayunman, hindi maaaring ihayag ni Justice De Castro sa pagtetestigo nito ang buong desisyon ng Hudikatura at sa halip ay ang sarili niya lamang na mga merito sa bawat kasong nabanggit.
Sa usapin naman hinggil kay dating Solicitor General at ngayon ay Associate Justice Francis Jardeleza, si Justice De Castro ay pinahihintulutan lamang na magtestigo hinggil sa merito ng kanyang sariling opinyon.
Bukod kay Justice Teresita De Castro , kabilang din sa pinadalhan ng imbitasyon ng impeachment court si Supreme Court Associate Justices Noel Tijam at Francis Jardeleza, Court Administrator Jose Midas Marquez, Deputy Court Administrator Raul Villanueva , Supreme Court Spokesman Theodore Te at Supreme Court En Banc Clerk of Court Atty. Felipa Anama.