Tiwala si Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian na ang limitadong face-to-face classes ay tugon sa mga problema kaugnay sa distance learning.
Tinukoy ni Gatchalian ang sablay na internet connection at mga magulang na hirap gabayan ang kanilang mga anak sa online classes gayundin ang pagkasira ng mga learning modules sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Katwiran naman ni Senator Nancy Binay, may mga lugar sa bansa na hindi epektibo ang online learning kaya kailangan ang limitadong face-to-face classes.
Suhestyon pa ni Binay, ikonsidera ang best practices ng ating mga ASEAN neighbors sa pagbubukas ng mga paaralan dahil hindi naman pwedeng naka-lockdown o manatiling nakakulong ang mga bata.
Pero giit ni Binay, dapat tiyakin ng mga paaralan at Local Government Units (LGUs) ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran laban sa COVID-19 at ang kakayahang tumugon sa mga emergency health situation.
Ikinatuwa naman ni Senator Imee Marcos ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Department of Education para sa limitadong face-to-face classes na hiling din aniya ng mga nanay, mga guro at mismong mga mag-aaral.
Umaasa si Marcos na bago mag-Pasko ay tutukuyin na ang mga lugar na kasama sa pilot testing nito sa January para magkaroon ng panahong maghanda.
Ayon kay Marcos, kailangan ang well-ventilated venues, sapat na sanitation equipment para sa regular na paglilinis, gayundin ang pag-test sa mga guro na magkaklase at ang pagtukoy sa mga importanteng bahagi ng curriculum para sa face-to-face lessons at yung gagamitan pa rin ng module at online learning.