Samu’t saring problema ang kinakaharap ngayon ng mga magsasaka sa Mangaldan, Pangasinan matapos ang pinsalang iniwan ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa mga magsasaka, bukod sa pagkasira ng kanilang mga tanim, hirap din sila sa irigasyon at paglalagay ng abono sa mga palayan at lupang sakahan.
Dahil sa sitwasyon, tumaas ang presyo ng bigas maging ang halaga ng abono, na parehong naapektuhan ng pananalasa ng bagyo sa bayan.
Ayon kay Manuel S. Aquino, Rice Banner Coordinator, patuloy na tumatanggap ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng damage reports mula sa mga apektadong magsasaka.
Kaugnay nito, 580 hybrid rice seeds mula sa Department of Agriculture–Regional Field Office 1 at 600 certified seeds mula sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang naipamahagi na para sa dry cropping season sa mga benepisyaryong magsasaka noong Lunes, Nobyembre 17.
Patuloy ding mino-monitor ang mga sakahan upang masiguro na nagagamit nang tama at naaayon ang mga ipinamigay na binhi.









