Wednesday, February 11, 2026

LIMITADONG ORAS NG VIDEOKE, MAHIGPIT NA IPINATUTUPAD SA SAN CARLOS CITY

Mahigpit na ipinatutupad ng San Carlos City Police Station (CPS) ang umiiral na lokal na ordinansa hinggil sa limitadong paggamit ng videoke, partikular ang pagbabawal nito mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.

Noong Pebrero 9, 2026, agad na rumesponde ang mga kapulisan sa dalawang magkahiwalay na reklamo kaugnay ng paggamit ng videoke lampas sa itinakdang oras sa Barangay Bogoaon at Barangay Agdao. Bandang alas-10:00 ng gabi nang unang makatanggap ng ulat sa Barangay Bogoaon, habang alas-11:21 naman ng gabi nang maitala ang insidente sa Barangay Agdao, San Carlos City, Pangasinan.

Sa parehong pagkakataon, maayos na nilapitan ng mga pulis ang mga sangkot na indibidwal at ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagsunod sa ordinansang nagtatakda ng oras ng paggamit ng videoke. Ipinaalala ng mga awtoridad na ang naturang regulasyon ay ipinatutupad upang mapanatili ang katahimikan at maiwasan ang abala sa mga residente, lalo na sa oras ng pahinga sa gabi.

Agad namang tumalima ang mga kinauukulan at kusang itinigil ang paggamit ng videoke. Wala ring naitalang anumang hindi kanais-nais na insidente sa nasabing mga lugar.

Binigyang-diin ng kapulisan na ang disiplina at kooperasyon ng bawat mamamayan ay mahalaga upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad. Patuloy ang kanilang paalala na igalang ang itinakdang oras ng paggamit ng videoke bilang pagrespeto sa kapwa at sa umiiral na batas lokal. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments