LIMITADONG PONDO PARA SA GASTUSIN NG MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN SA MANGALDAN, HILING NA MATUGUNAN

Umapela ng tulong ang Public Schools District Supervisor ng Mangaldan sa lokal na pamahalaan ukol sa limitadong pondo ng mga pampublikong paaralan sa bayan upang matustusan ang buwanang gastusin sa tubig, kuryente at internet service.
Sa isinagawang pagpupulong ng Local School Board ng bayan, ang pondo ay nakapaloob sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga paaralan ngunit nangangailangan ng karagdagan para sa mga posibleng kagamitan sa nalalapit na Brigada Eskwela.
Tiniyak naman ng alkalde ang kaukulang tulong para sa sektor ng edukasyon sa kabila ng limitasyon sa pondo ng Local School Board dahil sa mga nakabinbing koleksyon mula sa local revenue ng bayan.
Samantala, iminungkahi naman ng alkalde ang ibayong pagpipintura at paglilinis sa loob at labas ng mga silid-aralan.
HInikayat din ng tanggapan ang pakikilahok sa isasagawang Blood Letting Activity sa Malabago Elementary School kasabay ng simula ng Brigada Eskwela ngayong taon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments