Limitasyon ng pwedeng gastos ng mga kandidato sa eleksyon, kailangang itaas dahil siguradong bawal pa ang face-to-face campaign

Inendorso ng Committee on Electoral Reforms na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos na itaas ang limitasyon sa pwedeng gastusin ng mga kandidato sa 2022 elections dahil siguradong bawal pa ang face-to-face campaign.

Paliwanag ni Marcos, dahil sa COVID-19 pandemic ay mapipilitan ang mga kandidato na mangampanya sa pamamagitan ng broadcast media at internet na mas mataas ang halaga.

Sa panukala ni Marcos, ang mga kandidato sa pagkapangulo at ikalawalang pangulo ay maaring gumastos ng hanggang 50 pesos sa bawat botante mula sa kasalukuyang 10 piso lamang.


Ang mga kandidato naman na independent ay papayagang gumastos ng hanggang 30 pesos sa kada botante.

Itataas naman sa 30 pesos ang kasalakuyang 5 piso kada botante na limitasyon sa gastos ng partido pulitikal.

Ipinaliwanag pa ni Marcos na mas mainam na taasan ang limit sa gastos ng mga kandidato sa kampanya kaysa palaging magsinungaling ang mga ito sa kanilang idedeklarang campaign expenses.

Facebook Comments