Limitasyon sa isinusulong na mental health leave, pinag-aaralan na sa Kamara

Pinalalagyan ng limitasyon ng ilang kongresista ang isinusulong na panukala para sa mental health leave sa private sector.

Kasunod na rin ito ng pagtalakay ng House Committee on Labor and Employment sa House Bill 6253 o ang pagbibigay ng mental health wellness leave sa mga empleyado mula sa mga pribadong kompanya.

Ayon kay Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Gabin Jr., pabor siyang mandatory na maipatupad ang 5 days mental health leave sa lahat ng private companies ngunit dapat ay mai-qualify ito at lagyan ng criterion base sa rekomendasyon ng mga health professional.


Pabor din dito si Zamboanga del Sur Rep. Leonardo Babasa dahil hindi malayong abusuhin naman ng mga empleyado ang dagdag na leave at matatalo lamang ang tunay na layunin ng panukalang batas.

Bagama’t suportado naman ng People’s Management Association of the Philippines (PMAP) ang panukala, sinabi naman dito ni Mark Enrick Hernandez na dagdag na bigat sa mga employer ang additional 5 days leave dahil ito ay may bayad din at bukod pa ito sa leave credits na ibinibigay sa mga empleyado.

Dahil dito, higit pang bubusisiin sa binuong sub-committee on labor standards ang panukala dahil sa ilang reservations ng mga stakeholder.

Bukod sa private sector ay pinagaaralan na ring isama sa mabibigyan ng mental health leave ang mga nagtatrabaho sa government o public sector dahil ang stress, anxiety, burnout at depression ay nararanasan ng lahat ng mga worker ngayong pandemya.

Facebook Comments