Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara ang paglilimita ng Senado sa pagbibigay ng confidential at intelligence fund (CIF) sa ilang mga ahensya ng gobyerno.
Kasunod ito ng pagsang-ayon ni Angara sa pahayag ni dating Senator Franklin Drilon na higpitan at ilimita ng mga mambabatas ang paglalaan ng CIF sa mga ahensyang nakatutok lamang dapat sa security at peacekeeping intelligence operations.
Batid ni Angara na may punto si dating Senator Drilon kaya naman sila sa Senado ay sinisiguro ang mabusising paghimay sa hinihinging confidential at intelligence fund ng ilang mga ahensya.
Katunayan aniya, ang unang hakbang sa maiging pagbusisi sa CIF ay pinangunahan na ni Senate President Juan Miguel Zubiri noong Miyerkules kung saan nagsagawa na ng inisyal na pulong ang select oversight committee on confidential and intelligence funds.
Sinabi ni Angara na sila sa Senado ay “conscious” o nalalaman na dapat talagang limitahan ang pagbibigay ng CIF sa mga ahensyang humihiling nito.
Aminado rin ang mambabatas na hindi lahat ng ahensya ng gobyerno ay karapat-dapat na mabigyan ng ganitong klase ng pondo.
Matatandaang iginiit ni Drilon na ang dapat na mabigyan ng confidential at intel funds ay mga ahensyang ditektang sangkot sa intelligence gathering para sa pagpapanatili ng seguridad, kapayapaan at kaayusan.