
Binigyang diin ng Korte Suprema na wala nang bisa ang Special Power of Attorney (SPA) kapag namatay na ang gumawa nito.
Sabi ng Supreme Court (SC), lahat ng kilos ng ahente pagkatapos ng kamatayan ay awtomatikong wala nang bisa, maliban na lang kung sakop ng exception sa batas.
Sinabi ito sa kaso ng ginang na si Jessica Uberas na binigyan ng SPA ng kanyang amang si Meliton Alova para pamahalaan ang kanyang ari-arian.
Pero nang pumanaw ang kaniyang ama ay ginamit pa rin ni Jessica ang SPA makalipas ang ilang taon para umutang at magsangla ng lupa sa San Miguel Foods.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, sinabi ng Korte Suprema na wala na siyang karapatan gamitin ang SPA dahil matagal nang patay ang kanyang ama.
Sa kabila nito, nilinaw din ng hukuman na hindi lahat ng sangla ay nawalan ng bisa.
Dahil tagapagmana raw ang babae, may bahagi siya sa lupa pero ito lamang ang sakop ng mortgage at foreclosure.









