Nilinaw ngayon ng Anti-Terrorism Council na hindi puwedeng hinala lang ang basehan sa pag-aresto nang walang warrant of arrest sa ilalim ng bagong Anti-Terrorism Act.
Ito ang naging tugon ng Anti-Terrorism Council sa mga pagdududa ng publiko matapos na inilabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas.
Nilimitahan kasi ng IRR ang mga pagkakataong puwedeng mag-aresto nang walang warrant of arrest sa mga pinapayagan na ng batas tulad ng caught in the act o hot pursuit at hindi sa base lang sa suspetsa ng mga otoridad.
Ayon kay Justice Undersecretary Adrian Sugay, tagapagsalita ng Anti-Terrorism Council, kinakailangang magsumite muna ng affidavit sa kanila ang mga otoridad bago mabigyan ng pahintulot na manghuli at ikulong ang suspek nang hanggang 24 na araw, kahit wala pang isinasampang kaso.
Binigyan ng IRR ng 48 oras ang mga otoridad na ipaalam sa korte na mayroon silang nahuli nang walang arrest warrant kung saan sa ilalim din ng IRR, mabibigyan na ng pagkakataon ang mga na-designate ng Anti-Terrorism Council na mga terorista para matanggal ang kanilang pangalan sa listahan.
Pero ang mga pangalan nila ay ilalathala muna sa pahayagan at online habang may 15 araw lang para hilinging tanggalin sila sa listahan.
Sa ngayon, hindi pa rin malinaw ang depinisyon ng terorismo at mga terrorism-related na mga aktibidad, na inirereklamo ng mga kritiko dahil sa pagiging malabo umano nito.