“Limited” face-to-face classes, ipinakokonsidera ngayong darating na summer term

Ipinakokonsidera ni Misamis Oriental Rep. Juliette Uy sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan na ang face-to-face classes para sa mga College at Senior High School na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) areas ngayong summer term.

Inirerekomenda ng kongresista na simulan na ang gradual o dahan-dahang pagbubukas ng klase basta’t susunod sa minimum health protocols.

Ayon sa kongresista, matagal nang pinapayagan o ikinokonsidera ang College students at faculty na kabilang sa Allowed Persons Outside Residence o APOR.


Bukod sa pagiging education entity ay maaari ding ikonsidera bilang economic entity ang mga paaralan.

Ang mga magulang naman na hindi pa rin komportable na palabasin ang kanilang mga anak ay maaari pa ring ipagpatuloy ang home schooling at online classes.

Hiniling din ni Uy na isama sa priority list ng mababakunahan ang mga guro at iba pang school personnel dahil maituturing silang mga frontliners.

Facebook Comments