Pinasalamatan ni Committee on Education Chairman Senator Win Gatchalian si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba ng dry run para sa limited face-to-face classes sa mga lugar na mas mababa ang panganib ng hawaan ng COVID-19.
Diin ni Gatchalian, mahalagang hakbang ito para sa pagsisimula na maibalik sa normal ang sektor ng edukasyon.
Tiwala si Gatchalian na ito din ang solusyon sa epekto ng mahabang pagsasara ng mga paaralan at sa malaking nawala sa pagkatuto at pagiging produktibo ng mga mag-aaral.
Gayunpaman, iginiit ni Gatchalian na huwag kaligtaan na nanatiling banta ang COVID-19 kaya dapat ay pag-ibayuhin ang mga hakbang para maging ligtas ang eskwelahan.
Sabi ni Gatchalian, magagawa ito sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng health protocols tulad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig para mapanatili ang kalinisan.
Iminungkahi rin ni Gatchalian sa Local Government Units (LGUs) ang pagpapahusay ng surveillance at contact tracing systems at higit sa lahat ang pagbabakuna sa nga guro at sana ay isunod na ring bakunahan ang mga edad 12 hanggang 17.