Pag-aaralang mabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte kung maaari na bang maibalik ang pilot test ng face-to-face classes sa low risk areas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang desisyon ni Pangulong Duterte ukol sa pagbabalik ng in-person classes ay nakadepende sa bilang ng mga taong nakapagbakuna na laban sa COVID-19.
Nang iminungkahi ito ng Department of Education (DepEd), nais ni Pangulong Duterte na makita kung gaanong karaming Pilipino na ang naturukan ng bakuna bago payagan ang limited face to face classes.
Maaaring magrekomenda muli ang DepEd ukol sa limited in-person classes sa susunod na Cabinet meeting.
Matatandaang iminungkahi na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagbabalik ng pilot testing ng face-to-face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 sa harap ng nagpapatuloy na vaccination.