Limited face-to-face classes sa mga lugar na walang COVID-19 transmission, muling iginiit ni VP Robredo

Muling hinimok ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na payagan na ang limited face-to-face classes sa mga lugar na walang community transmission ng COVID-19.

Ayon kay Robredo, una nang lumabas sa pag-aaral ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) na minimal lang ang in-school COVID-19 transmission dahil mas maraming protocols ang pwedeng sundin sa mga paaralan para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Aniya, dapat ay hindi “one-size-fits-all” ang gobyerno sa pagdedesisyon lalo’t marami namang lugar sa bansa ang walang community transmission ng sakit.


Mismong ang mga estudyante, magulang at guro na aniya ang nagsasabing gusto na nilang magface-to-face.

“Yung sitwasyon sa Metro Manila, sa Cebu, sa Davao, hindi naman yun ang sitwasyon sa buong Pilipinas. Dito na lang sa Camarines Sur, marami kaming mga coastal towns na wala namang transmission. Ano ba naman yung papasukin yung mga bata kahit once or twice a week. Follow up lang kung may hindi sila naiintidihan dun sa mga module, matutukan lang yung mga non-readers. Tingin ko hindi naman yon mahirap e, kailangan lang magdesisyon, e yun yung hindi pa natin ginagawa,” saad ni Robredo.

Pangamba ni Robredo, kapag natagalan pang hindi nakakapasok sa eskwelahan ang mga bata lalo na ang mahihirap, mas lalo silang mapapag-iwanan.

Ipinagtataka naman ng pangalawang pangulo kung bakit hanggang ngayon ay hindi nakakapagdesisyon ukol dito ang Department of Education.

Hindi ko alam kung anong nakakatagal. E ngayon, patapos na ang February wala pa ring desisyon. Dapat sana last year pa inasikaso na ‘to. The longer na out-of-school ang mga bata, lalong napapag-iwanan.” ani Robredo.

Mabuti yung may mga kaya, mabuti yung mga may gadget, kahit hindi pumapasok, patuloy yung pag-aaral. Pero yung mga walang-wala na umaasa sa module, sarili nila ang pag-answer ng module, hindi naman equipped ang mga magulang para tumulong, yon sana i-consider yun.” aniya.

Facebook Comments