Linconn Ong mananatili sa kustodiya ng Senado

Mananatili sa kustodiya ng Senado si Pharmally Pharmaceutical Corporations Director Linconn Ong.

Isinulong ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil sa patuloy na pagtanggi ni Ong na sagutin ang mga detalye ukol sa perang pina-utang o itinulong sa kanila ni dating Presidential Adviser Michael Yang.

Naunang sinabi ni Ong na ang salaping nagmula kay Yang ay nakatulong para makatupad ang Pharmally sa bilyon-bilyon pisong kontrata na ini-award dito ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) sa pagsuplay ng pandemic supplies.


Sa ikasampung pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay paulit-ulit na ini-invoke ni Ong ang right against self-incrimination sa mga tanong ng mga Senador.

Sabi ni Ong, ang paggiit ng nasabing karapatan ay payo ng kanyang abogado.

Bukod ito ay idiniin ni Ong na mayroon din silang non-disclosure agreement ni Yang pero hindi naman niya masagot kung kelan nila ginawa ang nabanggit na kasunduan at kung ito ba ay notaryado.

Sa pagdinig lumabas na translator lang ni Yang ang trabaho ni Ong bago ito naging Director ng Pharmally at kamakailan lang siya nakabili ng mga luxury cars na milyones ang halaga.

Facebook Comments