LINDOL | DFA patuloy na inaalam ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Hokkaido Japan

Nakahanda ang Embahada sa Tokyo, Japan para umasiste sa mga Pilipinong naapektuhan ng magnitude 6.7 na lindol na tumama sa Hokkaido kaninang umaga.

Sa pinakahuling report marami ang sugatan at hindi bababa sa 20 ang nawawala dahil sa pagyanig.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakikipag-ugnayan na ang konsulada sa mga lider ng nasa 1,800 Filipino sa Hokkaido.


Tinitignan na rin ng embahada kung mayroong Filipino tourists o businessmen na bumibisita sa Sapporo, ang tanyag na tourist destination sa Hokkaido.

Sa mga oras na ito, sa inisyal na impormasyon base na rin kay Ambassador to Japan Jose Laurel ay walang Pinoy casualties sa nangyaring malakas na lindol.

Samantala, ramdam pa rin ang ilang aftershocks kung saan pinutol muna ang suplay ng kuryente at isinara pansamantala ang Chitose Airport at Shinkansen train station.

Inaalam pa sa ngayon, ang kabuuang pinsala ng nasabing magnitude 6.7 na lindol na tumama sa Hokkaido.

Facebook Comments